Sobrang naka-relate ang magkasintahan na sina Kim at Jaren sa karakter nina Joy at Ethan sa “Hello, Love, Goodbye.” Matapos na mag-break dahil sa magkaibang prayoridad nila sa buhay, nagkabalikan ang dalawa makaraang nilang magkahiwalay na mapanood ang naturang pelikula.
Sa programang “Good News,” ikinuwento ni Kim at Jaren na gaya ng mga karakter nina Joy [Kathryn Bernando] at Ethan [Alden Richards], hindi rin kaagad naging maayos ang kanilang samahan.
Nagkakilala ang dalawa sa kolehiyo, at may pagkamayabang umano ang dating ni Jaren, ayon kay Kim, na gaya nang nangyari sa kuwento nina Joy at Ethan.
Pero unti-unting nagbago ang kanilang samahan at naging malapit sila sa isa’t isa dahil pareho sila ng simbahan na pinupuntahan at grupo ng mga kaibigan.
At isang araw, nagtapat si Jaren kay Kim na mahal na niya ang dalaga.
Kagaya ng pagsuporta ni Ethan kay Joy sa pelikula, sinabi ni Jaren na sinuportahan din niya si Kim.
“Naghahatid sundo [ako] sa mga raket niya [Kim], inaalalayan sa mga gamit,” saad ni Jaren.
Nang mamasyal naman ang dalawa sa Hong Kong kung saan kinunan ang mga eksena sa “Hello, Love, Goodbye,” isinabay na rin ng magkasintahan ang pagbisita nila sa ina ni Kim na isang OFW doon.
Ang hindi alam ni Kim, may pakulo palang pinaplano si Jaren na biglang nag-propose sa kaniya, sa lugar kung saan kinunan ang eksena na ginawa rin ni Ethan ang proposal kay Joy.
At kagaya ng love story nina Ethan at Joy, sinubok din ng pagkakataon ang pag-iibigan nina Kim at Jaren.
Nagplano si Jaren na mangibang-bansa, habang nais naman ni Kim na manatili sa Pilipinas para magnegosyo.
“Nung napanood ko yung scene na kailangan na nilang [Joy at Ethan] na mag-let go sa isa’t isa because of their different priorities, sobrang naka-relate ako, naiyak ako kasi wala namang may gusto ng goodbyes,” sabi ni Kim.
Ang naging turning point ng relasyon ng dalawa para maghiwalay ay nang magkasakit at maparalisado ang ama ni Jaren.
“Iba talaga kapag nandun ka sa point na parang pinagsakluban ka na ng mundo, na halos wala ka nang makitang pag-asa. You want to breakout of it, nandun ako sa point na ‘yon and that led to our breakup,” sabi ni Jaren.
Matapos maghiwalay, pinutol ng dalawa ang kanilang komunikasyon para makapag-move on.
Pero sa panahon ng kanilang pagmo-move on, ipinalabas sa mga sinehan ang “Hello, Love, Goodbye” na pinanood nina Jaren at Kim na magkahiwalay.
Ayon kay Kim, humagulgol siya habang pinapanood ang pelikula dahil sa naramdamang sobrang kalungkutan.
Kaya pagkatapos na mapanood ang naturang pelikula, nag-text si Kim kay Jeran para mangamusta at ayain na magkita sila.
“Walang explanation. Kasi sabi ko kung ramdam niya yung nararamdaman ko I do not need to explain why we need to meet,” paliwanag ni Kim.
Si Jaren, kaagad namang pumayag at nag-set kung saan sila magkikita. Sa diner, nagkausap sila nang masinsinan at doon na nangyari ang pagbibigay nila ng second chance sa kanilang pag-iibigan.
“Nung nag-break kami, doon ko na-realized na kailangan ko pala siya. Mas gugustuhin ko pala na kasama ko siya na may pinagdadaanan kami kesa yung sosolohin ko lang ang problema,” ayon kay Jaren.
Makaraang ang isang taon matapos magkabalikan, natuloy na rin ang naudlot na kasal ng dalawa.
Kung dati ay magkahiwalay nilang pinanood ang “Hello, Love, Goodbye,” sa pagkakataong ito, magkasama na nilang pinanonood ang sequel na “Hello, Love, Again.”
Ayon kay Kim, love is sweeter the second time around talaga dahil taglay na nila ang mga karanasan na magpapalakas lalo sa kanilang pagmamahalan.
“Definitely it will not be the same because it gonna be better,” sabi ni Kim. —FRJ, GMA Integrated News