Tinukuran ng isang mambabatas ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na lohikal na resulta ng isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa kuwestyunableng paggamit nito ng confidential funds.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, mahabang panahon ang ginugol at maraming ebidensiyang lumabas sa isinagawang imbestigasyon.
“Ako, personally, I welcome all these impeachment complaints. Matagal, ilang buwan ang ginugol natin para maimbestigahan ‘yung mga katiwalian sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo at doon po sa Department of Education noong siya ay Secretary, at we only see impeachment as the logical and the proper outcome and form of accountability for the Vice President,” sabi ni Acidre.
Tatlong impeachment complaint na ang inihain laban sa Bise Presidente sa tanggapan ni House Secretary General Reginald Velasco.
Kasama sa reklamo ang mali umanong paggamit ni Duterte ng kanyang confidential fund na may kabuuang halagang P612.5 milyon.
Sinabi ni Velasco na mayroong mga kongresista na nagpapahiwatig na maghahain ng ikaapat na impeachment complaint at mag-eendorso ng isa sa tatlong inihain na reklamo.
Ayon naman kay Acidre, wala siyang alam sa ikaapat na reklamong ihahain.
Nauna ng sinabi ni Velasco na nirerepaso ng legal department ng Kamara ang tatlong inihaing reklamo bago ito ipadala sa Office of the Speaker. (Billy Begas)